Friday, September 9, 2011

Wala Na Ang Lagoon

Nagpunta ako sa aking alma mater sa bugso ng pangangailangan. Apat na taon din ang iginugol ko sa paaralang un at kung iisipin, hindi ko naman na talaga matandaan ang kahit na ano’ng itinuro nito sakin. Ang mas tumatak ay ang mga panahong inilagi ko sa mga sulok nito kasama na ang mga samu’t saring alaala na wala nang hihigit pa. At pagkatapos ng apat na taon pa ulit, heto ako para balikan ang isang katotohanang nabubuhay din sa ibang dimensyon. Dimensyong nabubuo sa tuwing may tatawa, may luluha o basta simpleng pag-alala lamang dito.

Iba ang pakiramdam na dumaan ulit sa Teresa. Hinanap ko ang mga computer shop na naging suki na kami nun. Yung comp shop na naumpog ako sa glass door kasi di ko alam na andun pala at nakaharang sa siga kong paglalakad. Hindi pala, understatement ang naumpog. Nabundol. ‘Yun ang totoong nangyari.

Nasa labas na agad ang isip ko kasunod na sana ang katawan ko kung di lang walang habas na bumangga ang sapatos, tuhod at noo ko sa sliding door. Malakas na kalabog ang dulot nito at masungit na paalalang pagdadahan dahan mula sa may-ari ng shop. Naroon ang tapat na pagtataka sa sakin kung ano’ng nangyari at munting pagkapahiya na agad napalitan ng katatawanan ng makita ko ang pigil na tawa ni Berna na kasunod ko.
Ganun pala ang nagagawa ng paglipad sa tao. Isip, katawan o kaluluwa man. Nawawalang saglit sa katinuan kasabay ng malabong detalye sa pangyayari. Siyang dating ng damdamin ng kasalukuyan saka malilimutan ang kaganapan ng paglipad na kala mo’y hindi naganap. Matagal hinangad na makalipad para lang itatwa ang katotohanan nito pagkatapos dahil hindi iyon ang eksperiyensyang gusto natin sana.

Ang bilihan ng burger na sarap na sarap ako dati, wala na. Sina Daddy at Kuya sa tabi ng riles at ang hilera pa ng mga squatters, wala na din. Pagpasok ko, ninamnam ko ang bawat hakbang. Dinama ko ang paligid at pilit inalala ang mga P.E. classes ko sa gym at sa paligid nun. Marami ng daan para makarating sa building na may apat na direksyon. Kolehiyo na ko nun pero hindi ko pa din maintindihan pano nila nasasabing kung alin sa building na yun ang North, South, West at East.



Kahit naguguluhan ako, hindi ko prinoblema un. Hindi sila umasang alam ko dahil simula pa lang tiyak na ko sa kung ano ang alam ko at hindi. Tinanggap nila ang katotohanang yun at namuhay kami sa harmonya na sasama ako sa direksyong pupuntahan nila at hindi ako tatanungin dahil totoong hindi ko maintindihan ang matematikang lumulukob dito.



Nilakad ko ang ground floor at ang apat na sulok nun at kahit na alam ko na kung alin ang alin, isang ikot sa kaliwa at isang ikot pa ulit ang nagawa ko bago ko mahanap ang kelangan kong puntahan. Apat na taon akong hindi nagbalik dun, at anim na taon mula ng magtapos ako. Madami na ding pagbabago at magaganda ang nakita ko. Kinailangan ko ding sabihin sa sarili kong hindi ko dapat asahang gaya pa din ito noon.



Hindi ko naman talaga dito ginugol ang buong apat na taon ko. Bahagi lang ito dahil may sarili kaming gusali para sa kurso ko. Hindi ko napuntahan pero dito pa lang ay busog na ang alaala ko. Tumikim ako ng shake at burger kung saan ang lasa ay pang-estudyante sa payak na kapaligiran. Bumili ng panali ng buhok bago pumasok at pamaypay panghanda sa init at inip na dapat asahan pero hindi dumating.


Napansin kong walang welga ng araw na ‘yon at isang banner lang ang nakita ko pero bukod dun ay malinis na ang mga dingding sa wing na ‘yon na ewan na kung ano na nga ba. Ang chapel na hindi ko na napuntahan ng malapitan at ang library na sa labas ko na lang tinanaw. 
 


Iniiwasan kong banggitin ngunit ito ang tema ng isinusulat ko. Hindi ko napuntahan ng malapitan ang chapel, hindi tumigil para silipin ang gym. Hindi pumasok sa library at makailang ulit pang umikot sa apat na sulok ng building sa pag-asang makita ang lagoon mula sa ibang anggulo o paraan ng pag-ikot at pagsipat dito.


Pero wala na nga ang lagoon. Napalitan ng malapalasyong tema ang batong pumaligid dito. Masukal at mahalamang tila gubat sa loob ang aking nakita sa munting silip na ginawa ko. Mula sa alaala kung babalikan ko, dapat na talagang repasuhin ang parteng yon. Madumi, maamoy, tambayan ng iba’t ibang sektor ng estudyante at pulitika ng kanilang buhay mag-aaral, walang dahilan para hayaan ang maduming paligid na dengue lang ang dulot pag nagkataon, kung di pa man nangyayari.



Pagpasok ko pa lang ay doon na nakatuon ang isip ko. Isang tingin at kailangan kong ibaling sa kaliwa’t kanan. Punahin ang mga punong halos wala na ngayon, luminga sa mga lugar na hindi ko naman malaman ang pinagkaiba noon sa ngayon. Isa at sampung higit pang sumubok bumaling at ibalik tingin ngunit walang pandaraya sa mata ko ng minutong iyon.



Sa lahat ng kaligayahang bigay sakin ng pagbabalik na ‘un, isang kalungkutan lang ang kailangan para ibalik ako sa lupa mula sa paglipad gawa ng mga maliligayang alaalang inangkin ko na. Kagaya ng mga nauna pa, hindi ako sigurado. Pero hindi ako kumbinsidong lumutang ako kahit saglit.



Ito ang pagbabago, naisip ko. Dawalang mukha sa isang bagay na sabay na nangyayari sa isang pagkakataon. Parehong nakatayo sa espasyong tanging ikaw lang ang makakapaglapat depende sa memoryang meron ka, depende sa pagbabagong ikaw lang ang makakapagbukod ng isa sa isa.



Lumakad ako palabas bitbit ang katotohanang ito. Hindi ito ang ekspirensyang gusto ko sana. Pero wala nga e.



Wala na ang lagoon.




1 comment:

  1. ano bang memory meron ka sa lagoon? ganon talaga only thing constant is change. malaki ba naging bukol mo?

    ReplyDelete